mary’s blog

(where mary is always write)

Tao rin pala si Titser Rosa*

Takot ako kay Titser Rosa.

Isa siyang matangkad, morena, at kilalang mataray na English teacher nung elementary ako. Hindi ko pa siya nakikita, alam ko nang terror siya dahil sa mga kwento ng ate at kuya kong nagdaan sa mga malulupit na English lesson niya. Isa siya sa mga titser na unang kita pa lang ay alam mo na:

  1. Bawal dumaldal
  2. Bawal tumayo ng walang dahilan, at higit sa lahat
  3. Bawal magpatawa sa klase ni Titser Rosa

Pag-patak ng ala-una, tigil muna ang bentahan ng Ghost Fighter na teks, panlilimos ng piso-piso pang Counterrrr Strike at paglalaro ng hubaran-ng-jogging-pants. Upo na. Nandyan na si Titser Rosa.

An adverb is used to describe a verb, adjective, or another adverb.

The past tense of buy is bought. The past tense of catch is caught.

Sa sobrang dedikasyon niya sa pagtuturo, parang hindi na siya tao. Kaya pati ako ay nadadala sa ibang dimensyon kung saan isa akong English-spokening machine na hindi iniinda ang pangangalabit ng katabing nanghihingi ng papel, ang mapang-akit na tawag ng Chiz Curls sa bag ko, at ang pagnanais na magpasikat at magpatawa sa klase.

Silence please. Classes are ongoing.

Isang araw, binuhat ni Titser ang silya niya papunta sa center aisle, umupo sa gitna na tila Cerberus sa Gates of Hell, nilabas ang lesson plan, at sinimulang i-dictate ang pinakamahabang short quiz ng buhay ko…

Habang nagdidikta ng tanong si Titser Rosa sa isang kiming klase ay nagtatanong din ako sa Diyos:

Bakit ngayon pa ako pinabaunan ng masebong tanghalian ng nanay ko?

Bakit ngayon pa nag-dikta ng multiple choice type ng quiz si Titser Rosa?

At bakit kinailangan pa niyang umupo sa gitna ng kaisa-isang daanan palabas ng room at papunta sa banyo?

BAKET?!

Ayos lang sana kung hindi ako sagutin ng Diyos dahil nung mga panahong iyon, ang pinaka-importanteng tanong para sakin ay nakareserba para kay Titser Rosa:

Titser, may I go out?

Pano ko itatanong yun? Walang tumatayo habang nagdidiscuss si Titser Rosa! At mas lalo nang walang lumalabas ng kwarto kapag nagpapaquiz siya! Naiintindihan ko na ngayon kung bakit may mga estudyanteng pinipiling tumae sa silya kesa tumakbo sa banyo. Ito na yata yung sinasabi nilang “path of least resistance”. Pinili kong maging matatag at mapag-timpi at hintaying matapos ang quiz pero nasa #3 pa lang kami ay nagdidilim na ang panginin ko at wala na akong pakialam kung ang English ba ng sumobra ay a) exceed, b) expel, or c) exempt.

AYKENTEKDISANYMORE!

Tumayo ako sa kalagitnaan ng pagbabasa niya at nilakad ko ang kahabaan ng center aisle na parang convict patungong deathrow. Hanggang ngayon hindi ko alam kung saan ko hinugot ang lakas ng loob para lumapit kay Titser Rosa at ibulong sa kanya:

Titser… natatae na po ako.

Biglang naging mabait ang mukha ni Titser Rosa at sinabihan akong:

Ok, you may go. (in retrospect, dalawa pala ang ibig sabihin ng sagot niyang iyon)

Matapos ang appointment ko with Mother Nature ay bumalik ako ng classroom. Tapos na ang quiz at wala na si Titser Rosa. Natural, pinalibutan ako ng mga tao:

Anong nangyari?

San ka galing?

Pinalabas ka?!

Anong sinabi mo kay ‘tser?

Mga bagay na hindi ko masagot dahil pangalan ko ang nakataya. Laking gulat ko na lang (at ng buong klase) nang pumasok ulit si Titser Rosa, nilapitan ako at sinabing:

Give me your quiz notebook.

Binuksan niya ang notebook, sinulatan, at binalik sakin. Pagkatapos ay lumabas na siya ng classroom. Nakatingin ang lahat sa akin nang buksan ko ulit ang notebook at makita ang pirma ni Titser Rosa. Sa ilalim ay sinulat niya:

EXCUSED.

Simula nung araw na iyon ay di na ako natakot sa mga titser. Naisip ko, tao rin pala sila. Naiinis kapag nagsasalita sila at hindi nakikinig yung mga kausap nila. Naiinis kapag may sumasabat sa diskusyon na wala namang nadadagdag sa usapan. Napapagod rin silang magsulat ng quiz sa blackboard na buburahin din ng susunod na guro at isusulat nila sa walo pang classroom na dadaanan nila sa araw na iyon. Napagkakamalan ding mataray kapag tahimik. Napagkakamalang beeetch kapag maganda at maarte ang pananamit.

Natatae rin siguro sila sa mga alanganing sitwasyon tulad nito. At malamang sa malamang, natatawa rin sila sa mga ganitong di inaasahang pangyayari.

Titser Rosa, kung nasan ka man ngayon, hindi ako naging model student pero sana pag naalala mo ako, napapangiti ka kahit unti lang.

At sa lahat ng guro, naging guro, o magiging guro pa lang: Advanced Happy Titser’s Day!

*Di tunay na pangalan. Pero malapit na.

Ω

There are 4 reactions to this story, leave yours below?

  1. Jacob on October 5, 2012

    nice!…:) like it!

  2. calee on October 13, 2012

    kasing bait pala si titser rosa ng kambal niya 🙂

    • Mary on October 13, 2012

      Hahaha halata na tuloy kung sino si “Titser Rosa”.

  3. Arden on October 13, 2012

    Hello. Magiging Grammar Nazi muna ako.

    Typo: nang != ng
    “Bawal tumayo ng walang dahilan, at higit sa lahat” should be
    “Bawal tumayo nang walang dahilan, at higit sa lahat”

    Otherwise, great post. Nomats pa rin talaga ako sa creativity mo. 🙁


Warning: Undefined variable $commenter in /home/marymaca/public_html/blog/wp-content/themes/manlymary/functions.php on line 296

Warning: Trying to access array offset on value of type null in /home/marymaca/public_html/blog/wp-content/themes/manlymary/functions.php on line 296

Warning: Undefined variable $commenter in /home/marymaca/public_html/blog/wp-content/themes/manlymary/functions.php on line 301

Warning: Trying to access array offset on value of type null in /home/marymaca/public_html/blog/wp-content/themes/manlymary/functions.php on line 301

Leave a Reply

All fields marked with * are required. Don’t worry. Your email address will not be published or entered into internet lotteries.

Get mary’s tall tales right in your RSS feed. Share this epic tale of lies on twitter! Read in the dark. Ack! This cursed pinkness! Manlify this blog!